Home OPINION ‘DI MAKATAONG INSIDENTE SA BUS

‘DI MAKATAONG INSIDENTE SA BUS

ANG sinapit ng binatilyong may autism, umalis mula sa kanilang bahay, sakay ng EDSA carousel bus noong nakaraang linggo, ay hindi lamang basta hindi katanggap-tanggap — isa iyong krimen.

Nag-viral ang video, kung saan makikitang tinatadyakan, sinusuntok, at kinukuryente ng mga pasahero ang isang person with a disability (PWD). Ang pananakit sa isang may kapansanan ay isa nang krimen, sa ilalim ng Revised Penal Code, at napakaraming batas na nagbibigay-proteksiyon sa vulnerable sector na kinabibilangan niya.

Totoo na napaulat ang umano’y pangangagat ng biktima sa isa pang pasahero, o marahil dalawa. Pero ang pagtugon sa insidente ay dapat na tantiyado at makatwiran, hindi pananakit, hindi karahasan, hindi pang-aabuso.

Natural lang na manggalaiti sa galit si Transportation Secretary Vince Dizon, gayundin ang mga opisyal ng Department of Social Welfare and Development. Binigyang-diin ni Dizon na ang mga tao na nasa autism spectrum ay may ibang reaksiyon sa ingay, liwanag, o kaguluhan. Ang kailangan nila sa mga ganung sandali ay pang-unawa — hindi pagkuyog.

Hiling ng Firing Line na bawat isa sa mga nanakit o nakibahagi sa brutal at hindi makataong pagtrato sa PWD ay matunton at mapanagot sa nangyari.

Presidente, nakatutok sa PrimeWater

Sa press conference sa Malacañang noong Miyerkules, sinabi ni Usec. Claire Castro na nanindigan ang Presidente nang ipag-utos nito ang agarang pag-aksyon ng Local Water Utilities Administration sa palpak na serbisyo ng PrimeWater sa Bulacan. Para sa Firing Line, panahon nang gawin ito.

Matapos na personal na makita ang kalagayan ng madumi, hindi magagamit, at walang tubig na mga palikuran sa mga pampublikong eskuwelahan sa Bulacan, sa wakas ay iginiit ni President Bongbong Marcos ang pag-aksiyon ng PrimeWater sa problema.

Hindi na kinailangan pa ng pribadong water utility, na pagmamay-ari ng pamilya Villar, na hintayin ang Presidente. Inayos ng gobyerno ang sirang poso at sinaklolohan ang mga paaralang walang supply ng tubig sa Malolos City, Bulacan, dahil hindi naman maipagkakaila na pumalpak sa kanilang trabaho ang PrimeWater.

Hindi pipitsugin ang PrimeWater. Isa itong concessionaire na nagseserbisyo sa mahigit 1.7 milyong kabahayan at nakakontrata sa hindi bababa sa 73 joint ventures — aabot sa 130, ang sabi ng ilan — sa ilalim ng nakaraang administrasyon. Marami ang kumuwestiyon dito sa Commission on Audit (COA) dahil sa agrabyado umano ang gobyerno.

Isang welcome development na naglakas-loob nang magsabi ang Pangulo ng “tama na,” inatasan ang LWUA na suriin ang kontrata at serbisyo ng PrimeWater. Maaaring sabihin ng ilan na may kinalaman ito sa pagkakadismayang pulitikal (lalo na matapos na layasan ni Camille Villar ang grupo ni Marcos para lumipat sa Team Sara).

Pero may saysay pa ba iyon? Ang totoo, iyon man nga ang dahilan o udyok ng serbisyo publiko, iisa lang ang resulta: nanggaling na sa pinakamataas ang pagpapatino sa pagliingkod sa publiko. Kaya, sige lang, Mr. President, papanagutin natin ang PrimeWater, kahit pa gaano kamakapangyarihan ang nasa likod nito.

Sa huli, hindi dapat na iwan sa ere ng gobyerno ang mamamayan nito, lalo na sa napakasimpleng pangangailangan sa tubig.

* * *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.