Home NATIONWIDE ‘Di pagpapalawig ng PUV consolidation oks sa mayorya ng operators

‘Di pagpapalawig ng PUV consolidation oks sa mayorya ng operators

MANILA, Philippines – MAYORYA ng public utility vehicles (PUVs) ay suportado ang desisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na huwag nang palawigin ang consolidation.

Ito ang sinabi ni Office of Transport Cooperatives (OTC) Chairman Jesus Ortega.

Sa isang panayam, sinabi ni Ortega na nauna nang pinakinggan ni Pangulong Marcos ang request ng kooperatiba na palawigin ang consolidation noong Marso 2023, subalit binigyang-diin na gumawa ito ng matatag na desisyon na huwag palawigin pa ang deadline na itinakda noong Disyembre ng nakaraang taon.

“Nung nag-extend po ‘yung ating Pangulo nung Marso, si President Marcos. Ginawa po niya ‘yun para pagbigyan muli ang mga nagtatanong—being new, one year pa lang siya nun. That was a good move on the part of the President to say ‘I am listening to you’,” ayon kay Ortega.

“Pero nung nag-decide naman siya nung December 12 na firm na, nag-decide rin s’ya, nakinig rin s’ya sa majority,” dagdag na pahayag nito, tinukoy ang mayorya ng kooperatiba na suportado ang desisyon ni Pangulong Marcos na huwag nang palawigin pa ang consolidation.

Sa iba pang kaganapan, nilinaw ni Ortega ang napaulat na P50.00 na pamasahe sa modern jeepneys.

Wala aniya itong basehan. Binigyang-diin na hindi kaagad maipapatutupad ng gobyerno ang fare matrix movement nang walang tamang konsultasyon.

“Ngayon po sinasabi nila magiging singkwenta after five years, with due respect sa kanila, there is no basis for that at masakit po na magsabi ng mga bagay na nakakatakot na walang katotohanan,” ayon kay Ortega nang tanungin ukol sa napaulat na P50.00 fare increase sa modern jeepneys.

Binigyang diin nito na pinanatili ng gobyerno ang P2.00 fare matrix difference sa pagitan ng traditional at modern jeepneys, nangangahulugan na ang kasalukuyang pamasahe sa modern jeepney ay nananatiling P15.00, kung saan P2.00 na mas mataas kaysa sa traditional jeepney na P13.00.

Idinagdag pa ni Ortega na ang fuel price hike ang nagdidikta ng fare increase at hindi dahil sa modernisasyon ng jeepney.

Samantala, muli namang inulit nito na magdaraos ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mga pagdinig at pagpupulong at makikipag-ugnayan sa National Economic and Development Authority (NEDA) bago pa makapagpapabas ng anumang desisyon sa fare increases.

Nilinaw naman nito na ang mga kooperatiba ng modern vehicles ay kuntento sa P2.00 fare difference na ipinagkaloob sa kanila, dalawang taon na ang nakalilipas. Kris Jose

Previous articleKaila Estrada, na-scam!
Next articleTINGNAN: First friday mass ng 2024 sa Quiapo