VATICAN – Nakaapekto ang diagnosis at operasyon ni Pope Leo sa lung cancer kung paano tinitingnan ng mga Katoliko ang kanyang kalusugan at pagka-Papa, ayon sa foreign minister ng Vatican nitong Martes, Oktubre 27, sa isang pambihirang pag-amin ng isa sa pinakamataas na opisyal ng Simbahan.
”It’s a bit of a gamechanger,” ani Archbishop Paul Gallagher sa mga mamamahayag sa isang event sa Rome.
Sumailalim si Pope Leo sa operasyon kung saan tinanggal ang bahagi ng kanyang baga noong Oktubre 13.
Sinabi ng kanyang mga doktor na localized ang cancer at hindi kumalat, at hindi na mangangailangan ng karagdagang gamutan ang Santo Papa.
Samantala, tinalakay din ni Gallagher ang kamakailang ceasefire na napagkasunduan ng Russia at Ukraine upang payagan ang pagpasok ng tulong sa Russian-controlled na bayan ng Oleshky sa Ukraine.
Sinabi niyang bagama’t kamakailan ay nakausap ni Leo sina Russian President Vladimir Putin at Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy, hindi niya naniniwalang sangkot ang Vatican sa pagsasaayos ng ceasefire.
Tinalakay din niya ang kasalukuyang kasunduan ng Vatican sa China hinggil sa pagtatalaga ng mga obispong Katoliko sa komunistang estado, at kinilala ang “imperfections” sa kasunduan.
Ang kasunduan, na unang nilagdaan noong 2018, ay nagbibigay sa mga opisyal ng China ng ilang partisipasyon kung sino ang itatalaga ni Leo bilang mga obispo sa bansa.
Sinabi rin ng arsobispo na inaasahan niyang maaaring bumisita si Leo, ang unang US-born na papa, sa Estados Unidos “in the not too distant future.” Ngunit sinabi niyang maaaring hindi ito mangyari sa 2027, depende sa mga nakatakdang gawain ng Santo Papa. Jocelyn Tabangcura-Domenden