MANILA, Philippines – Nakikipagpulong ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang gumawa ng mga hakbang para maiwasan ang pag-ulit ng insidente ng pamamaril sa paaralan sa Tacloban City.
Ayon kay DICT spokesperson Undersecretary Leonido “Bodie” Pulido III, iminungkahi nilang bumuo ng isang technical working group (TWG) na maghahanda ng mga polisiya at posibleng pagbabago sa batas upang mas maprotektahan ang mga kabataan laban sa mga panganib sa internet.
Kabilang sa mga ahensyang kausap ng DICT ang DOJ, DepEd, DSWD, NBI, Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC), National Privacy Commission, at PNP-Anti-Cybercrime Group. May pormal na rekomendasyon na rin mula sa DILG at DOJ.
Iniimbestigahan din ng mga awtoridad ang umano’y extremist group na 764, na sinasabing nanghihikayat ng mga menor de edad sa pamamagitan ng online games at kalaunan ay inuudyok na gumawa ng karahasan sa totoong buhay.
Ayon kay Pulido, nagsisimula umano ang grupo sa pakikipagkaibigan sa mga kabataan sa mga laro tulad ng Roblox at GoreBox, bago sila ilipat sa ibang messaging apps para sa mas pribadong komunikasyon.
Samantala, sinabi ng CICC na bukod sa grupong 764, may mga panganib din sa ilang online games na maaaring makaapekto sa pag-uugali ng mga bata. Binanggit ng ahensya na kabilang sa mga larong ginagamit ng masasamang loob ang Roblox, GoreBox, at Minecraft, kaya hinikayat nito ang publiko at mga magulang na maging mapagmatyag sa online activities ng kanilang mga anak. RNT/MDS