MANILA, Philippines – Sinabi ni DSWD Secretary Rex Gatchalian na alinsunod sa digital transformation ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong Linggo, Marso 16 na malapit nang ilunsad ng ahensya ang online na sistema nito para sa pag-iisyu ng guarantee letters (GL) sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS).
Sa panayam ng media, sinabi ni Gatchalian na ang digitalization ng regulatory at key services ng ahensya ay ginagawa upang maging mas episyente at mas accessible sa publiko.
Ang patuloy na pagbuo ng online portal para i-automate ang probisyon ng GLs ay isinasagawa upang ang mga indibidwal o pamilya na nasa krisis ay hindi na kailangang pumila sa mga tanggapan ng DSWD.
Ayon sa DSWD, ang digital development na ito ay bilang pagsasaalang-alang sa kalagayan ng mga nangangailangan ng tulong medikal at hospital bill na karaniwang walang oras para mag-aplay para sa mga serbisyo at pumunta sa pinakamalapit na tanggapan ng DSWD, ayon kay Secretary Gatchalian.
Sinabi ng DSWD chief na ang online system para dito ay sumasailalim na sa fine-tuning at inaasahang matatapos sa pinakamaagang panahon.
“Ang punto namin, paulit-ulit, dapat convenient anytime, anywhere na ma-access ng ating mga mamamayan ang tulong at services ng DSWD na hindi na sila kailangang hassle at pupunta sa aming tanggapan,” diin pa ni Secretary Gatchalian
Bukod sa malapit nang ilunsad na inisyatiba, ipinaalam din ni Secretary Gatchalian sa DZBB na kamakailan lamang ay inilunsad ng ahensya ang Harmonized Electronic License and Permit System (HELPS) na isang online platform na naglalaman ng aplikasyon para sa mga regulatory services ng Departamento. Santi Celario