PANGASINAN- Tigok ang isang 50-anyos na misis matapos malunod nang tumaob ang sinasakyan nilang banana boat sa dagat sa Brgy. Patar, Bolinao ng lalawigang ito kahapon, Marso 16.
Ayon sa mga otoridad, ang biktima ay residente ng San Jose Del Monte, Bulacan.
Nabatid na ang biktima at mga kaibigan niya ay umarkila ng banana boat.
Lahat umano sila ay nakasuot ng floating suits nang sumakay sila sa inarkilang banana boat.
Habang nasa dagat sila ay biglang sinalpok ng malaking alon ang sinasakyan nilang banana boat kaya tumaob ito.
Nagawa umano ng biktimang makakapit sa handle hanggang sa dumating ang mga rescuer at nasagip silang lahat.
Sinabi ng biktima sa rescuer pati sa mga kaibigan niya na nakainom siya ng maraming tubig-dagat.
Pagkatapos nito, biglang nawalan ng malay ang biktima.
Agad na isinugod sa Rillera Medical Hospital sa Poblacion, Bolinao, Pangasinan ang biktima.
Gayunman, ang biktima ay idineklarang dead on arrival ng umatending doktor. Rolando S. Gamoso