MANILA, Philippines – Inilunsad ng Presidential Communications Office (PCO) ang “Sa Totoo Lang: A Digital Storytelling Challenge,” isang nationwide short-form video contest para sa mga estudyante na nasa Grade 10 hanggang 12 sa public at private schools.
Iniimbitahan ng contest o paligsahan ang mga estudyante na mag-produce ng 90-second videos na magbibigay diin sa “Good News,” programs at mga inisyatiba ng administrasyon sa nakalipas na 30 araw, habang pino-promote ang katotohanan, fact-checking, civic responsibility, at positibong epekto ng mga programa ng gobyerno.
Ang mga entry ay maaaring i-upload sa TikTok, Facebook Reels, Instagram Reels, o YouTube Shorts na may hashtags #SaTotooLang at #UsapTayoBayanMuna.
Ang pagsusumite ng entry ay tatanggapin mula “1st hanggang 15th” ng bawat buwan, simula Oktubre 1, sa pamamagitan ng official Google Form. Ang mga estudyante na ‘under 18’ ay kailangan ng parental consent.
Ang mga mananalo ay kikilalanin sa tatlong kategorya: Pinakapinag-usapan Award (Most Viewed), Pinaka-makahulugan Award (Most Meaningful), at Tagasuri ng Katotohanan Award (Fake News Buster).
“Judging will be based on engagement, clarity, creativity, accuracy, and relevance,” ayon sa PCO.
Ang monthly winners ay makatatanggap ng tablet at isang Certificate of Recognition mula sa PCO. Ang mga judge ay mula sa PCO, Department of Education, at civil society organizations.
Pinaalalahanan naman ng PCO ang mga sasali na gumamit lamang ng orihinal o properly licensed materials at nagbabala na ang entry na may offensive content o manipulated engagement ay diskuwalipikado.
Para sa karagdagang detalye, maaaring kontakin ng mga estudyante ang PCO sa [email protected]. (KRIS JOSE)