Home HOME BANNER STORY Digong ‘best dramatic actor’ para kay VP Sara sa House quad comm...

Digong ‘best dramatic actor’ para kay VP Sara sa House quad comm performance

MANILA, Philippines – Inilarawan ni Vice President Sara Duterte nitong Biyernes, Nobyembre 15, ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang “dramatic actor” sa paglahok nito sa imbestigasyon ng House quad-committee kaugnay sa anti-drug campaign ng nakaraang administrasyon.

Sa sidelines ng 89th founding anniversary celebration ng Office of the Vice President, inalala ni Sara ang pagsasabi sa kanyang amang si Duterte na 12 out of 10 ang rating na ibibigay nito sa performance niya, at sinabing “best dramatic actor.”

“Kayo na lang ‘yung umintindi, nakikita niyo naman sa ginagawa niya, e. Kitang-kita!”

Ipinaliwanag rin ni Sara ang kanyang surprise appearance sa pagdinig ng joint panel kung saan sinasabihan nito ang dating Pangulo na magpahinga muna dahil inabot na ng gabi ang pagdinig.

Aniya, nagpunta siya sa Kamara para kumbinsihin ang kanyang ama na umalis na dahil sa health concerns.

“Nagsimula ‘yung araw niya 6 a.m. and mga around 10:30 p.m. na ata ‘yun. Sinabi ng ano na baka low blood sugar na. Eh hindi kumakain… Naniwala naman siya nung sinabi namin na kumain na muna siya,” paliwanag ng Bise Presidente.

“Usually kasi hindi siya nakikinig sa mga kasama niya, so humihingi sila ng tulong sa ’kin kung anong isabi, pagsabihan,” dagdag pa.

Nang tanungin kung ano ang masasabi nito sa House quad comm hearing, aniya, hindi sinunod ang uniform rules patungkol sa inquiry.

Nauna nang sinabi ni Sara na hindi na siya umaasa na magiging patas ang imbestigasyon.

“As a lawyer, hindi mo na talaga maintindihan kung anong rules ang ginagamit sa mga hearings. And they use ‘inquiry’ and ‘investigation’ interchangeably. So hindi mo alam if it’s an inquiry, you’re a resource person. If it’s an investigation, you’re a witness or an accused,” sinabi pa ng batang Duterte. RNT/JGC