MANILA, Philippines – SINALUBONG ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte para sa krimen laban sa sangkatauhan sa pagbalik nito sa Pilipinas mula Hong Kong.
Sa kalatas na ipinalabas ng Presidential Communications Office (PCO) sinabi nito na kaninang madaling araw pa natanggap ng INTERPOL Manila ang opisyal na kopya ng warrant of arrest mula sa ICC.
“Ika-9:20ng umaga ngayong araw, 11 Marso 2025, ang dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang kanyang grupo ay dumating sa Maynila mula Hong Kong sakay ng Cathay Pacific CX 907.
Sa kanyang pagdating, inihain ng Prosecutor General ang ICC notification para sa isang arrest warrant sa dating Pangulo para sa krimen laban sa sangkatauhan,” ang nakasaad sa kalatas ng PCO.
Ang dating Pangulo at ang kanyang grupo ay nasa mabuting kalusugan at sinuri ng mga doctor ng gobyerno.
Sinigurado na ang dating Pangulo ay nasa maayos na kalagayan.
Sa kabilang dako, ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) na nagpatupad ng warrant ay tiniyak na may suot na body camera.
Sa ngayon ayon sa PCO ay nasa kustodiya na ng mga kinauukulan ang dating Pangulong Duterte.
Nauna rito, balik-Pinas sa si Digong Duterte matapos ang ilang araw na pamamalagi sa Hong Kong.
Lumapag si Digong Duterte sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 via CX-907 pasado alas-9 ng umaga
Sa ngayon, ang Pangulo ay dinala sa 250th Presidential Airlift Wing sa loob ng Villamor Airbase.
Sa kabilang dako, nagpunta naman si Senator Bong Go sa NAIA para salubungin si Digong Duterte para masiguro na maayos ang kalusugan ng dating Pangulo na may iskedyul ng check up bukas, Marso12.
Kasama ni Go ang personal physician ni Digong Duterte.
“Sisiguraduhin lang namin na maayos ang kalusugan ni dating Pangulong Duterte. Actually, scheduled po siya bukas ng medical check up. May gagawing procedure sa kanya bukas dito sa ospital sa Cardinal kaya po siya tumuloy at kailangan niyang magpa-check up talaga. Regular check up,” ang sinabi ng senador sa kanyang Facebook live.
Samantala, bumalik ng bansa si Digong Duterte sa gitna ng bulong-bulungan na nagpalabas na ang International Criminal Court ng warrant of arrest laban sa kanya para sa kanyang kontrobersiyal na war on drugs. Kris Jose