MANILA, Philippines – Nakatakdang sumailalim sa medikal na pagsusuri at isang procedure si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Cardinal Santos Hospital sa Miyerkules, ayon kay Senador Bong Go.
Hindi binanggit ni Go ang detalye ng procedure ngunit sinabi niyang si Dr. Agnes, personal na doktor ni Duterte sa loob ng 20 taon, ang mangunguna rito.
“Actually, scheduled po siya bukas ng medical check-up niya. May gagawing procedure sa kanya bukas, dito po sa ospital sa Cardinal. Kaya po siya tumuloy at kailangan niyang magpa-check up talaga. Regular check-up. Si Doktora Agnes, siya po yung personal physician ni dating pangulong Duterte for the last 20 years po,” ani Go.
Bumalik si Duterte sa Pinas mula Hong Kong ngayong Martes bago ang nakatakdang check-up.
Samantala, ipinahayag din ni Go ang kalungkutan sa mga balitang posibleng arestuhin si Duterte, iginiit niyang ginawa lamang nito ang lahat para sa kapakanan ng bansa.
“Alam niyo nakakalungkot. Sabi ko nga sa mga pulis: ipapaaresto nila yung taong ginawa lang ang trabaho niya para sa bayan. Sinakripisyo niya ang lahat. Totoo yung sinabi niya. Ginawa niya ito para sa ating mga anak,” ayon pa kay Go.
Lumutang ang isyung ito kasunod ng umano’y Interpol red notice laban kay Duterte kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa kanyang kampanya kontra droga. RNT