Home HOME BANNER STORY Digong ineskortan ng PNP sa NAIA sa pagbalik ng Pinas

Digong ineskortan ng PNP sa NAIA sa pagbalik ng Pinas

Screengrab from GMA News

MANILA, Philippines – Dumating na sa Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Martes ng umaga matapos ang ilang araw sa Hong Kong.

Lumapag ang Duterte patriarch sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa pamamagitan ng CX-907 pasado alas-9 ng umaga.

Bumalik sa bansa si Duterte sa gitna ng mga bali-balitang naglabas na ng warrant of arrest ang International Criminal Court laban sa kanya dahil sa kanyang kontrobersyal na war on drugs.

Ineskortan naman ng Philippine National Police ang dating pangulo sa NAIA.

Naispatan din sa airport sina PNP chief Gen. Rommel Marbil, Criminal Investigation and Detection Group chief Maj. Gen. Nicolas Torre III, at ilang police officers.

Sa ulat ng ABS-CBN news, nang tinanong umano si Torre ukol sa kanilang presensya sa paliparan ay sinabi niyang “Sasalubungin lang namin.”

Hindi naman niya nilinaw kung may kaugnayan ito sa lumulutang na ICC warrant laban sa dating Pangulo.

Matatandaang sinabi ng PNP na handa silang makipagtulungan sa Interpol kung hihingiin ng International Criminal Court (ICC) ang tulong nito sa pagpapatupad ng umano’y arrest warrant laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, obligasyon ng PNP bilang miyembro ng Interpol ang sumunod sa legal na proseso, bagamat wala pang kumpirmadong impormasyon tungkol sa warrant.

Nilinaw rin ni Fajardo na ang pag-deploy ng 7,000 tauhan ay bahagi ng simulation exercise para sa paghahanda sa eleksyon at hindi konektado sa posibleng pag-aresto kay Duterte. Santi Celario