Home NATIONWIDE ‘Vote-buying’ sa HK iniimbestigahan ng Comelec

‘Vote-buying’ sa HK iniimbestigahan ng Comelec

MANILA, Philippines – Nakikipag-ugnayan na ang Commission on Elections (Comelec) sa Philippine consulate sa Hong Kong upang maberipika ang ulat ng umano’y vote buying sa nakaraang political rally para sa Eleksyon 2025.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, hindi pa makumpirma ng poll body ang social media posts ng umano’y nakatanggap ang bawat oveseas Filipino voter na dumalo sa sortie ng HKD200 o katumbas ng P1,500.

Sinabi ni Garcia na nakikipag-ugnayan na ang Comelec sa konsulada sa Hong Kong para makakuha ng mga balita tungkol sa nasabing bagay.

Sinabi rin ni Garcia na wala pa silang natatanggap na reklamo o liham tungkol sa insidente pero kapag napatunayang totoo, ang tiwaling kandidato ay mahaharap sa diskwalipikasyon.

Walang criminal charges na maihahain laban sa kanila dahil sa usapin ng territoriality o nangyari sa labas ng Pilipinas.

Ayon kay Garcia, sakaling matanggap agad ang reklamo at liham, agad na ieendorso ng Comelec ang kaso sa Committee on Kontra Bigay, kung saan muling inilunsad noong Pebrero para sa magpapataw ng mas mahigpit na hakbang laban sa vote-buying, vote selling at pag-aabuso sa state resources para sa nalalapit na May midterm elections. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)