Home NATIONWIDE Digong kabilang sa abogado ng anak sa impeachment case

Digong kabilang sa abogado ng anak sa impeachment case

MANILA, Philippines — Isa sa mga legal na tagapayo ni Bise Presidente Sara Duterte sa kanyang petisyon sa Korte Suprema upang harangin ang impeachment trial ay ang kanyang ama, dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Batay sa kopya ng petisyon, kabilang din sa kanyang legal team ang kanyang biyenan, si Atty. Lucas Carpio Jr., at mga abogado mula sa Fortun, Narvasa, at Salazar Law Firm.

Noong Pebrero 18, naghain si VP Duterte ng petition for certiorari and prohibition na may kasamang kahilingan para sa isang temporary restraining order (TRO) at writ of preliminary injunction. Sa petisyon, hinihiling niya sa Korte Suprema na pigilan ang Senado sa pagpapatuloy ng impeachment trial at ipawalang-bisa ang ikalawang impeachment complaint na inihain laban sa kanya noong Pebrero 5.

Ang kanyang petisyon ay kasabay ng isang hiwalay na petisyon na inihain ng isang grupo ng mga abogado mula sa Mindanao, na may parehong layunin na harangin ang impeachment proceedings laban kay VP Duterte. RNT