MANILA, Philippines – Nanatili si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ospital ng Hague Penitentiary Institution, ayon kay Bise Presidente Sara Duterte.
“Hindi siya nire-release ng doctor,” ani Sara nang tanungin kung kailangan pa bang pumunta ni Digong sa clinic mula sa kanyang detention room para sa regular na health monitoring.
Dagdag pa ni VP Sara na nakuha na ng mga doktor sa ICC ang listahan ng gamot ng kanyang ama, maging ang medical records nito.
Matapos siyang bisitahin, sinabi ni Sara na “komportable” ang kanyang ama sa kabila ng malamig na klima.
Ayon kay VP Sara na sinabi ng kanyang ama na pakiramdam niya ay parang nasa hotel siya, “maliban sa hindi ako makalabas.” Dagdag ni Sara, “charming” ang ama niya sa loob at nakabuo na ng magandang samahan sa staff.
Wala siyang direktang interaksyon sa ibang detainees dahil may kanya-kanyang kwarto ang bawat isa, dagdag pa ni VP Sara. Tanging sina Sara, dating Executive Secretary Salvador Medialdea, at abogadong si Nicholas Kaufman ang nakabisita sa kanya.
Sinabi rin umano ni Digong na wala siyang pinagsisisihan sa kanyang paglilingkod sa bayan at pabirong binanggit na dahil wala rin siyang ginagawa sa labas, mas mabuti nang manatili muna siya sa loob.
“Sabi niya, wala rin naman daw siyang ginagawa sa labas kasi hindi pa naman daw siya mayor. So, might as well tumira na raw muna siya sa loob,” dagdag pa ni VP Sara. RNT