DAVAO CITY – Si dating pangulong Rodrigo Duterte ang pumalit at itinalaga bilang administrador ng lahat ng asset ng kanyang tagasuporta na si pastor Apollo Quiboloy, ayon kay Kingdom of Jesus Christ legal counsel Israelito Torreon sa PhilStar.
Ito ay sa kabila ng pagpapalawig ng Court of Appeals sa freeze order sa mga bank account. real estate at iba pang ari-arian na nakarehistro sa ilalim ng pangalan ni Quiboloy at ng KOJC.
Sinabi ni Torreon na kailangang sumunod ang KOJC sa freeze order ng korte ng apela. Si Duterte naman ay wala pang pahayag hinggil sa usapin.
Ayon sa Anti-Money Laundering Council (AMLC), pinalawig ang freeze order hanggang Pebrero 6, 2025 batay sa desisyon ng korte ng apela noong Agosto 20.
Noong Agosto 7, ang Court of Appeals ay unang nagpataw ng 20-araw na freeze order matapos makita ang merito sa mga kasong sexual exploitation, human trafficking at financial smuggling na inihain laban kay Quiboloy at apat na iba pa.
Sakop ng freeze order ang 10 bank account ni Quiboloy sa Banco de Oro at Metropolitan Bank and Trust Co., gayundin sa pitong real estate property sa Davao del Norte, Davao City, Davao Oriental, Mati at Roxas City. RNT