Home NATIONWIDE Digong may ‘50-50’ tsansang payagan ng ICC sa interim release – victims’...

Digong may ‘50-50’ tsansang payagan ng ICC sa interim release – victims’ lawyer

MANILA, Philippines – Sinabi ni Atty. Kristina Conti, abogado ng mga biktima ng war on drugs, may “50-50” na posibilidad na payagan ng ICC ang pansamantalang pagpapalaya kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Nasa edad 80 si Duterte at binanggit ng kanyang kampo ang katandaan at posibleng karamdaman bilang batayan ng hiling.

“Heavily redacted itong version na nakita natin. Hindi natin alam yung grounds, hindi natin alam kung ano yung estado, yung state na tatanggap sa kanya, hindi natin alam yung condition,” ani Conti sa interbyu ng DZMM.

“Kung meron lang receiving state na malapit sa The Hague, tapos sisiguraduhin nila na…makakasipot sa mga hearing si Duterte, kumbaga, lalambot kung sakali para kay Duterte na payagan,” dagdag pa niya.

Sa kabila nito, nabahala si Conti nang malamang hindi kokontrahin ng ICC prosecutor ang hiling ni Duterte, basta’t masunod ang ilang kondisyon.

“Para naman akong binuhusan ng malamig na tubig. Lalo na nung mabasa ko na hindi raw kokontrahin ng prosecutor ang interim release ni Duterte,” saad naman ni Conti sa X.

“Magko-konsultahan kami ng mga biktima/kliyente, pero nung huling usap namin hindi sila pabor sa anumang special treatment kay Duterte,”  dagdag pa niya.

Umaasa siyang maririnig din ang panig ng mga biktima, na tutol sa anumang espesyal na pagtrato.

Naaresto si Duterte noong Marso 11 at dinala agad sa The Hague. Nakatakda ang kanyang susunod na pagdinig sa Setyembre 23 upang kumpirmahin ang mga kasong crimes against humanity.