MANILA, Philippines- Nanawagan si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mga taga-suporta na iwasang magkomento sa kanyang umiiral na Crimes Against Humanity case sa International Criminal Court.
Sa pagtitipon sa The Hague para sa ika-80 kaarawan ni Duterte, ipinahatid ni Vice President Sara Duterte ang ilang mensahe mula sa kanyang ama, binigyang-diin ang hiling nito sa kanyang mga taga-suporta na hayaang gumulong ang legal process nang walang “external interference.”
“Sabi niya, kung gusto ninyo ipahayag ang inyong pagsuporta, kung gusto ninyo ipahayag ang inyong galit na nararamdaman o kung kasiyahan na nararamdaman, sabi niya, huwag natin pag-usapan ang kaso at huwag natin pag-usapan kung ano ‘yung nangyayari sa kaso. Lalong-lalo na pagdating sa mga complainants o reklamo na nandyan sa loob sa International Criminal Court,” wika ni Sara Duterte.
“Sinabi niya, hindi na niya magawa ang mangampanya, tumayo sa stage doon sa Pilipinas at sabihan ang mga supporters kung bakit kailangan natin iboto iyong 10 diretso at wala ng ibang kandidato na i-vote. Kaya sabi niya, ipaabot sa inyo na kailangan niya ang tulong. Kailangan niya ang mga PDP Senators at mga guest candidates ng PDP-Laban,” dagdag niya.
Ipinabatid din ni Vice President Sara Duterte ang hiling sa media at mga taga-suporta na respetuhin ang ICC protocols sa pamamagitan ng pag-iwas sa pagkuha ng video ng detention center ng korte.
“Sinabihan ako doon sa loob na pakiusapan kayong lahat kasama na ang media na wag mag-video footage at pictures sa kanilang facade ng kanilang detention facility, lalong-lalo na sa mga tao na pumapasok at lumalabas. Bawal po sa kanilang protocols ang video-han ang kanilang detention facility,” wika ng bise presidente.
“Sundin natin kung anong protocol nila dito sa videotaping and sa recording, at sa photography. Dahil sa ngayon, nakikita ninyo na napaka-lenient at napaka-cooperative nila sa atin. At nakikita nila na, at tinutulungan nila tayo na maipakita sa mundo kung ano ‘yung nararamdaman natin. Kaya yung mga maliliit na bagay na hinihingi nila na huwag kayo mag-film at mag-videotape ay sundin natin,” patuloy niya.
Bumisita si Sara Duterte sa detention center upang kolektahin ang ilang kagamitan ng kanyang ama subalit hindi sila nagkita.
Subalit, kinumpirma niyang nabisita na ang kanyang ama ng common-law wife nitong si Honeylet Avanceña, at kanyang anak na si Veronica Duterte matapos ang ilang palyadong pagtatangka.
Nananatili ang dating Pangulo sa ICC facility sa The Hague, Netherlands, nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa drug war ng kanyang administrasyon.
Kasado ang muling pagharap niya sa korte sa September 23, 2025, para sa confirmation of charges hearing. RNT/SA