Home NATIONWIDE DILG: Loose firearms dapat non-bailable, 20-taon parusa

DILG: Loose firearms dapat non-bailable, 20-taon parusa

1
0

MANILA, Philippines – Iginiit ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na dapat gawing non-bailable offense ang ilegal na pagmamay-ari ng loose firearms at patawan ito ng maximum na 20 taong pagkakakulong.

Ayon kay Remulla, hindi sapat ang kasalukuyang parusa dahil maaaring makapagpiyansa ang mga nahuhuling may ilegal na baril habang dinidinig pa ang kanilang kaso.

Sinisi rin niya ang tinatawag na “Robin Padilla Law”, na tumutukoy sa mga amendment sa firearms law, dahil umano sa pagpapagaan ng ilang parusa at pagpapailalim sa bail ng illegal possession ng loose firearms. Gayunman, hindi si Sen. Robin Padilla ang may-akda ng batas.

Ayon kay Remulla, halos lahat ng krimeng may kinalaman sa baril ay gumagamit ng loose firearms kaya kailangan ng mas mabigat na parusa upang magsilbing deterrent.

“Non-bailable and then 20 years in prison,” sagot ni Remulla nang tanungin kung anong pagbabago ang nais niyang ipatupad sa batas.

Sinabi rin niyang nagtatrabaho na ang mga lider ng Kongreso sa mga panukalang amyenda sa firearms law at posibleng maaksiyunan ito pagsapit ng Enero.

Naniniwala si Remulla na makatutulong ang mas mahigpit na batas sa paglutas ng maraming krimeng may kinalaman sa baril, lalo na matapos ang dalawang insidente ng pamamaril sa mga paaralan.

Binigyang-diin din niya na ang pagmamay-ari ng baril ay isang pribilehiyong may kaakibat na malaking responsibilidad. Dapat aniyang tiyakin ng mga lehitimong gun owner na ligtas at hindi maaabot ng mga awtorisadong tao ang kanilang mga armas.

Iginiit ni Remulla na kailangan ang parehong mas mabigat na parusa sa loose firearms at mas mahigpit na pananagutan ng mga legal na may-ari ng baril upang maiwasang mapunta ang mga armas sa maling kamay. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here