BULACAN, Philippines – Patay na nang matagpuan ang isang bata na nangunguha ng suso nang aksidenteng mahulog sa ilog sa bayan ng Calumpit.
Sa ulat, kinilala ang biktima na si Ran, 8 taong gulang, residente ng Brgy. Iba O Este.
Ayon sa magulang ng biktima, bandang 5:00 ng hapon ay nangunguha ng suso sa pampang ang kanilang anak nang aksidenteng madulas at mahulog sa ilog.
Nakita umano ng ama ang kanyang anak na humihingi ng saklolo sa kanya subalit hindi siya marunong lumangoy.
Sa halip kumuha umano ang ama ng kawayan para isalba ang kanyang anak subalit malakas ang agos na tuluyang tumangay dito.
Nang makita ng amain ang pamangkin ay agad itong tumalon sa ilog para isalba ito hanggang sa mahawakan pa niya at itulak malapit sa bukana subalit tinangay pa rin ng malakas na agos.
Naging puspusan naman ang magdamagang pagsasagawa ng rescue operation ng mga tauhan ng Calumpit MDRRMO hanggang sa mapabalitang lumutang ang biktima nitong Agosto 25 sa ilog sakop ng Brgy. Masukol, Paombong. (Dick Mirasol III)