Home NATIONWIDE DILG may random drug test sa attached agencies

DILG may random drug test sa attached agencies

MANILA, Philippines – Nakatakdang magkasa ng random at unannounced random drug test ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa attached agencies nito.

Ito ang inanunsyo ni DILG Secretary Benhur Abalos sa kanyang speech ngayong Biyernes, Hunyo 2 kasabay ng paglulunsad ng sports at cultural fest ng anti-illegal drugs campaign ng DILG sa Camp Crame.

Ani Abalos, maglalabas siya ng circular kaugnay nito.

“This could be random drug testings, unannounced drug testings, all over, hindi lamang sa atin, kundi ito ay maski sa local government units,” aniya.

“Ici-circularized natin ito para ang mga tao kinakabahan at umiiwas sa droga,” dagdag pa ni Abalos.

Sa ambush interview, sinabi rin niya na ang mga sakop na ahensya na isasailalim ng DILG sa random drug testing ay ang mga sumusunod:

Bureau of Fire Protection
Bureau of Jail Management and Penology
Local Government Academy
National Commission on Muslim Filipinos
National Police Commission
National Youth Commission
Philippine Commission on Women
Philippine National Police
Philippine Public Safety College

Posible namang matanggal sa trabaho ang sinumang magpopositibo sa drug test.

Bago rito ay hinamon na ni Abalos ang lahat ng kandidato sa 2023 barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE) na sumailalim din sa drug test.

Ang pagsasagawa nito ay magpapakita umano na handa talaga ang mga kandidato na maglingkod sa bansa lalo pa’t isa sa ikinukunsiderang matinding problema sa Pilipinas ay ang illegal na droga.

Humiling din si Abalos sa mga pribadong kompanya na magsagawa ng random drug testing sa mga empleyado nito para masiguro ang drug-free workplace.

Sinalag naman ni Drug Policy Reform Initiative lead convener Atty. Kristine Mendoza ang naturang hakbang at nagsabing hindi talaga matutukoy ng drug test kung ang isang tao ba ay drug-dependent na.

“Hindi naman masasabi ng drug testing kung drug dependent ang isang tao. O kung problematic na ang paggamit niya o kung kailangan niya ba ng intervention,” ani Mendoza.

“Hindi rin ito minsan accurate. Hindi rin nito masusukat ng drug testing kung mahusay ba ang mga manggagawa sa trabaho,” dagdag pa niya. RNT/JGC