MANILA, Philippines – Nag-alok ng Department of Interior and Local Government ng P10 milyong pabuya para sa makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng puganteng Appointed Son of God na si Apollo Quiboloy.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos Jr. na mayroon ding tig-P1 milyong reward sa ikaaaresto nina Cresente Canada, Paulene Canada, Ingrid Canada, Sylvia Camanes at Jackiely Roy.
“Meron tayong mga kaibigan na gusto tumulong sa paghahanap sa kanila at nag offer na reward na P10 million for any information leading to the arrest of Pastor Quiboloy and P1 million each for others,” sinabi ng DILG chief.
Noong Abril 3, nag-isyu ng arrest order ang Davao Regional Trial Court laban kay Quiboloy at mga kasamahan nitong sina Cresente Canada, Paulene Canada, Ingrid Canada, Sylvia Camanes, at Jackiely Roy.
Nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Republic Act 7610, o Anti-Child Abuse Law, lalo na ang pang-aabuso sa mga menor de edad at pagmamaltrato.
Noong Abril 11, nag-isyu rin ang Pasig City court ng warrant of arrest para kay Quiboloy dahil sa qualified human trafficking na isang non-bailable offense. RNT/JGC