Home NATIONWIDE Diokno nagulat sa pamamayagpag ng Akbayan sa party-list race

Diokno nagulat sa pamamayagpag ng Akbayan sa party-list race

MANILA, Philippines- Sinabi ni Akbayan Party-list first nominee Atty. Chel Diokno na nagulat siyang nangunguna ang kanyang grupo sa party-list race batay sa partial, unofficial results.  

“Shookt na shookt kami. Di namin in-expect na ganito ang lalabas na resulta. We were hoping of course, for a lot of votes, but we never expected this number,” ani Diokno sa isang panayam nitong Martes.

“Tingin ko kombinasyon ‘yan ng ground efforts namin at ‘yung ginawa namin sa ere, lalong lalo na sa social media. Alam mo naman pag media, dehado ang mga grupo tulad ng Akbayan. Wala kaming resources. Pero pag dating sa socmed [social media], kaya naman. Kinaya talaga,” paliwanag niya.

“Hindi kami tumigil na umikot mula pa last year. Talagang alam namin na uphill battle ito. Kaya we really did times 10 ang effort namin. Hindi lang sa social media, pati narin on the ground,” dagdag niya.

Sa ilalim ng Republic Act No. 7491, ang grupong makakukuha ng hindi bababa sa 2 porsyento ng total votes sa party-list race ay makakukuha ng isang pwesto sa House of Representatives.  Kapag nakakuha pa ng dagdag na 2 porsyento, bibigyan ng karagdagang pwesto subalit hanggang tatlo lamang.

Si incumbent Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña ang second nominee, habang ang third nominee ay si Moro women and indigenous people’s leader Dadah Kiram Ismula.  

“Ang dami naming gustong gawin pag dating sa ating kabataan, pag dating sa iba-ibang sektor. Ang magiging ng isyu nalang namin diyan, alin ang uunahin namin pagbukas ng Kongreso,” wika ni Diokno.

“Our priority is really involved in gut issues that affecting our people today. Nandiyan ang issues ng sobrang pagtaas ng presyo ng bilihin ang pagkain lalo na, nandoon ang issue sa corruption, nandiyan yung issue ng napakalaking krisis na edukasyon, pati sa healthcare,” patuloy ng abogado.

“This is just a great opportunity for all the progressive blocs to get together and to really make themselves felt in Congress. Sa tingin ko, napaka-gandang pagkakataon ito. Excited na excited din kami to reach out to all the other groups.”

Nang tanungin kung anong posisyon ang kukunin ng Akbayan sa Kongreso, kung ito ay oposisyon o kolaborasyon sa administrasyon: “Tingin ko ang pinaka-effective na positi position ay yung issue position. Ibig sabihin nun, titingnan dapat ng  grupo [Akbayan] yung bawat issue at ano ba dapat ang magiging paninindigan namin para sa taongbayan.”

“Magkakaroon ng sitwasyon na maaaring pareho kami ng tingin sa administrasyon sa issue. For example, West Philippine Sea. We’re happy with the way the administration is conducting itself,” giit ni Diokno.

“Ako mismo matagal ko nang sinasabi na kailangan ayusin ang party-list system…. Sana maayos natin ang party-list law to make sure siya ang magiging instrumento para may boses ang iba’t-ibang sektor lalo na yung marginalized sa ating lipunan,” aniya pa.

“Maganda kung maipasok natin yan. Tatlo yung nakikita namin eh. It should be represent the sector. Connected doon, yung napiling nominee should represent the sector at pangatlo yung political dynasty,” patuloy ni Diokno.

Hanggang alas-9:02 ng umaga nitong May 13,2025, nangunguna ang Akbayan sa 2,204,516 boto sa 6.54 porsyento. RNT/SA