“HINDI ako si Erap!” Ito ang matapang na pahayag ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa director ng Manila North Cemetery (MNC) na si Dandan Tan matapos mabuking ang umano’y serye ng iligal na gawain sa loob ng pinakamalaking sementeryo sa bansa.
Noong Lunes ng umaga, sa unang executive meeting para sa taong 2026, kalmado si Mayor Isko ngunit bakas ang gigil. Ayaw niyang sirain ang unang araw ng taon sa City Hall, subalit malinaw ang kanyang mensahe: hindi uubra sa kanya ang pangongotong, panlalamang, at paggamit sa posisyon para magkamal ng pera.
Matagal nang may reklamo laban kay Tan, ngunit umano’y hindi ito agad nakararating sa alkalde. Ayon sa insiders, halos hindi na umano humihiwalay si Tan sa tabi ng alkalde at madalas pang magdala ng pagkain upang manatiling malapit sa kapangyarihan.
Mas seryoso ang mga paratang: matagal na umanong may bentahan ng lupa sa loob ng MNC, kabilang ang mga pwesto ng puntod, maging yaong sinasabing kinalalagyan ng labi ng ilang American soldiers—isang gawain na umano’y nagsimula pa noong panahon ni dating Mayor Joseph Estrada.
Dagdag pa rito, maraming pamilya ang nagrereklamo dahil hindi sila makapagpasok ng sariling materyales para sa pagkukumpuni ng musoleo. Sa halip, pinipilit umano silang bumili ng materyales mula mismo sa kampo ni Tan—sa presyong halos triple kumpara sa labas. Mayroon pa raw labis na singil sa tinatawag na “apartment-type” na puntod.
Itinanggi man ni Tan, may mga ulat na may tindahan ng alak sa loob ng sementeryo na pinatatakbo ng kanyang mga tauhan. Mas nakagigimbal, noong Pasko at Bagong Taon, umano’y mismong mga anak niya ang nagbenta ng bawal na paputok sa harap ng sementeryo.
Ang MNC ay hindi ordinaryong lupa. Isa itong banal na lugar—huling hantungan ng mga yumao at espasyo ng katahimikan at paggunita. Hindi ito dapat gawing negosyo ng iilan.
Maaaring sabihing pawang alegasyon ang lahat. Maaaring igiit na paninira lamang ito. Ngunit kung ganoon, bakit ang mariing babala ni Yorme: “Hindi ako si Erap!”? At bakit ngayon ay usap-usapan ang isang imbestigasyon?
Ang Manila North Cemetery ay pag-aari ng sambayanan. At sinumang maglakas-loob na dungisan ito, gaano man kataas ang posisyon, ay dapat managot. Abangan ang susunod na kabanata.






