Home OPINION DHSUD: PINTO BUKAS, TENGA SARADO?

DHSUD: PINTO BUKAS, TENGA SARADO?

194
0

MAGANDA sa pandinig at kaaya-aya sa mata ang mga pahayag ng Department of Human Settlements and Urban Development hinggil sa kanilang “proactive approach,” “open-door policy,” at “people-centered programs,” gayundin ang pagkilala sa homeowners’ associations bilang katuwang sa nation-building. Paulit-ulit itong inuulit sa mga press release, sinasabayan ng direktiba ng Pangulo at matatamis na salitang “bumaba sa komunidad” at “makinig sa grassroots.”

Ngunit sa aktuwal na karanasan ng maraming homeowners—kabilang ang opinion editor ng pahayagang ito—tila hanggang papel at balita lamang ang mga pangakong ito.

Mahigit 26,000 homeowners’ associations ang saklaw ng DHSUD. Milyon-milyong Pilipino ang umaasa na ang ahensyang ito ang magsisilbing tagapagtanggol laban sa abusadong opisyal, iregular na halalan, iligal na paniningil, at pamamalakad na walang pananagutan. Ngunit paano magiging tunay na “frontliners sa komunidad” ang HOAs kung ang mismong ahensyang dapat gumabay at magbantay ay hindi man lang maramdaman?

Ilang ulit nang nagtungo at sumulat ang aming patnugot sa DHSUD-NCR upang humiling ng isang simpleng hakbang: bumaba sa komunidad, magsagawa ng check at inspection, at pakinggan ang hinaing ng homeowners. Walang hinihinging pabor, walang personal na interes—serbisyong malinaw na nakasaad sa mandato ng ahensya. Subalit ang naging tugon ay katahimikan. Walang liham, walang tawag, walang pagbisita. Kung may open-door policy nga, bakit tila walang pinapapasok?

Sinasabi ng DHSUD na mahalagang well-informed ang HOAs upang maiwasan ang sigalot. Totoo iyan. Ngunit mas mahalaga ang aktuwal na presensya ng gobyerno—hindi lamang impormasyon, kundi enforcement at oversight. Walang saysay ang edukasyon kung hinahayaan namang maghari ang iilan at magdusa ang nakararami.

Kahit ang tangkang makausap ang hepe ng HOA-NCR o si DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling ay nauuwi sa parehong sagot: kailangan ng appointment. Ngunit kahit humiling ng iskedyul, walang malinaw na tugon at sa halip ay itinuturo sa mga tauhang walang kapangyarihang magdesisyon.

Kung press release lamang ang pagiging “proactive,” mananatiling hungkag ang tiwala ng homeowners. Ang tanong: bukas ba talaga ang pinto ng DHSUD, o sarado rin pati ang tenga para sa hinaing ng komunidad

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here