
BINUBUHAY at muling pinaiigting ng National Capital Region Police Office sa ilalim ng pamumuno ni regional director PMGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga panuntunan na magpapalakas ng disiplina ng kanyang mga tauhan, police commissioned office o police non-commissioned officer.
Sa Monday Flag Raising and Awarding Ceremonies na ginanap sa NCRPO grandstand sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City, muling pinaalalahanan ang mga pulis sa pamamagitan ni PBGen Rolly Octavio, Chief Regional Staff, kaugnay sa mga dapat nilang sunding panuntunan tulad nang pagsunod sa document and information security policy, upholding professionalism, compliance with “tamang bihis” and prohibition on moonlighting.
Base sa ipinalabas na guidelines, hindi pwedeng basta na lang maglabas ng mga classified information ang mga pulis lalo na kung may kaakibat na kaugnay sa kaligtasan at seguridad. Tama nga naman dahil posibleng malagay sa balag ng alanganin ang pulisya.
Pinaigting din ng NCRPO ang pagpapatupad ng propesyonalismo sa pamamagitan nang pagpasok sa tamang oras at pagrereport sa duty sa araw ng kanilang pasok. Maghihigpit ang pamunuan ng NCRPO sa mga pulis na hindi nagpapaalam sa kanilang ‘boss’ kapag hindi makapapasok sa trabaho.
Marami kasi sa mga pulis, lalo na opisyal, ang nagtutungo sa ibang lugar o bansa na walang paalam. Maswerte ang ilan dahil hindi nabubiking, pero yung mga nabuking kinasuhan na at may mga na-dismiss na.
Ipatutupad muli ng NCRPO ang tamang bihis at sinimulan nila sa paggamit ng tamang sinturon at buckle ng PNP. Mandatory ang paggamit ng tamang sinturon at belt dahil may ilang hindi ang required belt and buckle ang gamit subalit ang mga branded na klase.
At ang huli ay pagbabawal sa mga miyembro ng NCRPO lalo na ang mga nakatalaga sa Regional Mobile Battalion at Mobile Patrol na magsilbing “security escorts” sa mga personalidad dahil hindi naman nila ito trabaho subalit sa Police Security and Protection Group.
Marami ang naniniwala na susundin ng mga pulis ng NCRPO ang mga panuntunang muling pinaiigting ng pamunuan ni Nartatez sapagkat nakikita naman nila na magandang ehemplo ito sa kanila.
Nais ni Nartatez, a.k.a. Gen Tateng, na maging disiplinado at propesyonal ang mga pulis sa kanyang nasasakupan kaya naman siya mismo ang nagiging magandang halimbawa sa mga ito.
Ang RD ng NCRPO ay tumabla sa mga iligal sa Metro Manila tulad ng jueteng, lotteng, perya, paihi at iba pang iligal na gawain lalo na sa iligal na droga. Buhay na buhay ang “no take policy” nito kung kaya’t marami sa mga opisyal lalo na district directors ang sumusunod sa kanyang panuntunan.