MANILA, Philippines – Nasa 100 displaced workers ng Internet Gaming Licensees (IGLs) ang na-hire on the spot sa pinakahuling job fair sa Pasay City, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Sabado, Pebrero 1.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, nababahala siya sa mababang hiring rate ng mga manggagawa mula sa mga dating Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs), lalo’t mayroong nasa 8,000 ang sumubok mag-apply.
Nasa 18,000 apektadong manggagawa ang nagpahayag ng interes na sumali sa dalawang araw na job-fair, batay sa pre-registration data.
“Pero ang dumating, humigit kumulang 8,000,” ani Laguesma.
Ang job fair na tinawag na Career Con 2025 ay nag-aalok ng mahigit 8,000 job vacancies sa pamamagitan ng nasa 150 participating employers.
Ani Laguesma, karamihan sa displaced IGL workers ay nangangamba pa rin sa kanilang reemployment.
Ang ilan kasi ay umaasa na mababalik pa ang operasyon ng mga POGO, habang ang iba naman ay nabababaan sa mga alok na sahod.
Sa kabila nito, patuloy na susuporta ang pamahalaan sa mga apektadong manggagawa.
“We continue to reach out dahil batay nga po sa tala, mahigit kumulang mga 40,000 ang mga directly affected na mga IGL worker dahil doon sa pagsasara,” aniya.
Tinukoy ng DOLE ang mahigit 40,000 Filipino workers na apektado ng pagsasara ng mga POGO.
Ang mga ito ay mula sa mga IGL sa Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon at Central Visayas. RNT/JGC