MANILA, Philippines- Aprubado na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang House Bill 9349 o ang pagpapairal ng absolute divorce bilang alternatibong paraan para mapawalang-bisa ang wala nang pag-asang pagsasama at kasal ng mag-asawa.
Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, pangunahing may akda ng panukala, ang pagsusulong ng absolute divorce ay para na rin sa kapakanan ng mga anak. Aniya, naglalayon itong iligtas ang mga kabataan sa sakit, stress at paghihirap dulot ng mga problema ng kanilang mga magulang dahil sa hindi pagkakasundo at pag-aaway.
Sa ilalim ng panukala, pahihintulutan ang mga may problemang mag-asawa na makapaghain ng ‘petition for absolute divorce’ sa mga sumusunod na kadahilanan: 1) legal separation sa ilalim ng Article 55 ng Family Code of the Philippines; annulment of marriage sa ilalim ng Article 45 ng Family Code; tuluyang paghihiwalay ng mag-asawa na limang taon nang hindi nagsasama bago naihan ang petition for absolute divorce at wala nang pagkakataon na makapag-ayos; psychological incapacity sa ilalim ng Article 36 ng Family Code; irreconcilable differences; at 6) domestic o marital abuse kasama dito ang nakapaloob sa Republic Act 9262 o Violence Against Women and Their Children Act of 2004.
Ang panukala ay naaprubahan sa ikalawang pagbasa makalipas ang dalawang buwan mula nang maisumite ito sa plenaryo ng House Committee on Population and Family Relations. Gail Mendoza