Home NATIONWIDE DMW aagapay kay Mary Jane Veloso, pamilya nito

DMW aagapay kay Mary Jane Veloso, pamilya nito

MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) kay Mary Jane Veloso at sa kanyang pamilya na bibigyan sila ng tulong kung matutuloy ang paglipat ni Veloso sa Pilipinas.

Nakakulong si Veloso sa Indonesia mula pa noong 2010 at nasa death row dahil sa drug trafficking.

Nitong Miyerkules, Nobyembre 20 kinumpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na inaprubahan ng gobyerno ng Indonesia ang kanyang pagbabalik sa Pilipinas kung saan siya ay magpapatuloy sa kanyang sentensiya.

Hindi ibinigay ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac ang mga detalye ng paglilipat ngunit sinabi nilang magbibigay sila ng welfare assistance.

Ayon kay Cacdac, nagbibigay na ng tulong sa pamilya noon si Sec. Toots Ople tulad ng financial assistance kaya patuloy at handa ang DMW sa pagbibigay ng kinakailangang assistance.

Nangako rin si Cacdac na bibisitahin si Veloso kapag nakapbalik na ito sa bansa.

Sinabi pa ni Cacdac na ang DMW ay naghihintay lamang ng cue mula sa Department of Foreign Affairs at Department of Justice sa kaso ni Veloso. Jocelyn Tabangcura-Domenden