Home NATIONWIDE P300B DPWH badyet sa flood control, tatapyasan; ilalaan sa college scholarship –...

P300B DPWH badyet sa flood control, tatapyasan; ilalaan sa college scholarship – solon

MANILA, Philippines – Nakatakdang tapyasan ni Senador Alan Peter Cayetano ang multi-bilyong pondo sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) upang ilaan naman sa college scholarship ng Commission on Higher Education (CHED).

Sa pahayag, sinabi ni Cayetano sa ginanap na deliberasyon ng badyet ng DPWH, patuloy na dinadanas ng bansa ang malawakang pagbaha sa kabila ng lampas P300 bilyong pondo ang nakalaan sa flood control infrastructure.

Aniya, bakit hindi ilipat ang ilang bahagi ng pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa sektor ng higher education.

Ipinunto ng senador na aabot sa P1 trilyon ang nakalaan sa DPWH sa susunod na taon, samantalang 10 porsiyento lang nito ang nakalaan sa state universities and colleges (SUCs).

“For the last two years, more or less one trillion ‘yung [budget ng] DPWH, P350 billion doon ay anti-flood, [pero] ganoon pa rin ang flood natin,” aniya.

Kung ganoon aniya ang sitwasyon, mas mainam na ipuhunan ng gobyerno ang bahagi ng pondo ng DPWH sa magandang scholarship system sa lahat ng college student.

“Can you imagine if we remove P100 billion from DPWH, double the budget of SUCs (state universities and colleges), baka ma-flood tayo ng research at estudyante rather than bahang-baha,” pagpapatuloy niya.

Giit ni Cayetano, walang dudang kailangan ng mas mataas na pondo ng tertiary education sa bansa.

Kailangan lamang, matiyak na magiging epektibo na magagamit ito ng CHED.

Partikular na tinukoy ng mambabatas ang pagpapaganda sa United Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST) at paglalaan ng sapat na budget dito.

Hinimok ng senador ang CHED na magsagawa ng pananaliksik hinggil sa UniFAST at bumalangkas ng mas magandang bersyon nito.

“If I tell you bawasan ng P50 billion ang DPWH, ilagay sa CHED o UniFAST, debate e. But if CHED comes out with a study regarding the best scholarship program and how good an investment it is to get people to go to the best universities, I think no one can debate with that,” aniya.

Sa tingin kasi ng senador, nagkakaroon ng “market distortion” dahil nagdadagsaan ang mga estudyante sa state universities kung saan libre ang tuition alinsunod sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act.

Aniya, hindi “sustainable” ang ganitong sistema.

“I’m not criticizing per se. It’s better to have that system na napakaraming scholar. I’m just saying baka there’s a better system that will allow our SUCs to compete with the private sector and also allow them to be more entrepreneurial,” paliwanag niya.

“If you force [the] university to accept everyone, and then [put a] cap kung magkano tuition, nagkakagulo-gulo talaga y’ung actual cost nila,” dagdag niya.

Bilang alternatibo, kailangan aniyang balansehin ang paglalaan ng pondo ng gobyerno para sa student loans, grants-in-aid, at free tuition.

“Since we hardly have any student loans, and since the scholarships now are in state Us, i wonder how many ang parents na pinipilit kang mag-state u instead na private kasi nga sa state u, libre,” pahayag ni Cayetano.

Aniya, CHED ang pinakamainam na atasan na bumuo ng isang scholarship system na magpapanatili sa lawak ng libreng edukasyon nang hindi naman malulugi ang mga unibersidad.

“Paano tayo magkakaroon ng no balance billing sa college education pero hindi maapektuhan yung market forces or y’ung economics of running a university?” wika niya.

“If we have the study this year, baka before the 10th year [of UniFAST] we can make the recommendations,” dagdag niya. Ernie Reyes