Home NATIONWIDE DMW sa Comelec: Job fairs ‘wag isali sa spending ban sa election...

DMW sa Comelec: Job fairs ‘wag isali sa spending ban sa election period

MANILA, Philippines – Humiling ang Department of Migrant Workers (DMW) sa Commission on Elections (Comelec) na payagan ang paggastos para sa job fairs, kasabay ng spending ban sa pagpasok ng election period.

Ang apela ni DMW-Taipei Migrant Workers Office (MWO) Director of Migrant Workers Services at Labor Attaché Cesar Chavez Jr. sa poll body ay para mapabilis ang hiring ng libo-libong job vacancies sa Taiwan.

Ani Chavez Jr., sa 5,000 job orders mula sa Taiwan, mayroong “3,000 pending job orders to be filled up.”

“Kung mabigyan tayo ng Comelec exemption, actually DMW is working on that direction also, kasi marami rin made-deprive kung ititigil itong mga job fairs local and overseas,” sinabi pa ni Chavez.

Nagsagawa ang Manila Economic and Cultural Office (MECO) at DMW, sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal at stakeholders, ng tatlong job fairs sa Quezon City, Cabanatuan City sa Nueva Ecija, at San Jose del Monte City sa Bulacan para mapunan ang job orders sa Taiwan.

Aniya, nasa 2,000 ang “almost hired” sa tatlong job fair at sumasailalim sa evaluation, interview, at compliance sa iba pang credentials at documentary requirements.

“So, in other words, meron pa tayong 3,000 na ineexpedite natin mafill up,” sinabi ni Chavez.

Sa ilalim ng Section 261 (v) ng Omnibus Election Code (OEC), ipinananawagan ang “prohibition against release, disbursement or expenditure of public funds” sa panahon ng election period.

Ang election period para sa midterm polls ay nagsimula ngayong araw, Enero 12, 2025. RNT/JGC