Home HOME BANNER STORY Kanlaon nagbuga ng 500 metrong abo

Kanlaon nagbuga ng 500 metrong abo

MANILA, Philippines – Nagkaroon ng panibagong ash emission ang Bulkang Kanlaon nitong Linggo ng umaga, Enero 12 na umabot sa 500 metro.

Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Director Teresito Bacolcol, tumagal ng 10 minuto ang pagbubuga ng abo.

Bukod dito ay nakapagtala rin ng 14 volcanic earthquakes mula alas-12 ng madaling araw ng Enero 11 hanggang alas-12 ng madaling ng Enero 12.

Kasama rito ang dalawang mahinang volcanic tremors na mula 50 minuto hanggang dalawang oras ang tagal.

Ani Bacolcol, ang pinakahuling obserbasyon sa Bulkang Kanlaon ay kapareho ng namonitor bago ang pagsabog nito noong Disyembre 9.

“May nakikita tayong pamamaga [ng bulkan] sa may southeastern side, nagkakaroon tayo ng inflation… And kapag titignan ang sulfur dioxide natin, biglang bumagsak,” aniya.

“Although ngayon hindi masyadong mababa kasi before December 9, umabot ‘to ng 1,699 tonnes per day. So ibig sabihin nito, most likely nabarahan ‘yung conduit. ‘Yun din ang tinitignan natin ngayon kasi nagkaro’n tayo ng inflation do’n sa summit,” dagdag pa.

Nakataas ang Alert Level 3 sa Bulkang Kanlaon. RNT/JGC