MANILA, Philippines – Nakatanggap ng report ang Department of Migrant Workers (DMW) na nagbigay ng salaysay ang umano’y pumatay sa overseas Filipino worker (OFW) na si Dafnie Nacalaban sa Kuwait.
Si Nacalaban, na isang household service worker sa Kuwait mula pa noong Disyembre 2019, ay iniulat na nawawala ng kanyang employer noong Oktubre 2024.
Ang kanyang bangkay ay kalaunang nadiskubre na nabubulok na sa tirahan ng isang Kuwaiti, dalawang buwan matapos iulat ang kanyang pagkawala.
Sa impormasyon na natanggap ng Office of the Migrant Affairs mula sa Philippine Embassy sa Kuwait, natagpuan umano ang bangkay ng biktima matapos na isumbong ng kapatid ng suspek ang insidente sa pulisya.
“We have valid reports coming to my office, for instance, that there was a confession on the part of the prime suspect,” pahayag ni Migrant Workers Secretary Hans Cacdac.
Nang tanungin kung ano ang isinalaysay ng suspek, sinabi ni Cacdac na, “Wala pa masyadong detalye kasi… kaya inaantay natin ‘yung [police] report.”
“But whether or not that is true, I think we should already be expecting a report with respect to ‘yung whether or not the prime suspect will be indicted or charged in criminal court,” dagdag ng DMW chief.
Ani Cacdac, ang suspek ay may criminal record sa Kuwait.
Kinumpirma naman ng DMW na inaasistehan na nila ang pamilya ni Nacalaban kabilang ang pagpapauwi ng kanyang labi sa Pilipinas.
“We are really looking out for justice, seeking justice for Dafnie Nacalaban. And again, our lawyers are ready to assist Kuwaiti prosecution, to aid Kuwaiti prosecution so that we could attain justice for Dafnie.” RNT/JGC