MANILA, Philippines – Sinabi ni Department of National Defense Secretary Gilbert Teodoro nitong Lunes na wala silang namomonitor na destabilization activities sa hanay ng aktibong militar kaugnay ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Teodoro, nananatiling nakatutok ang militar sa kanilang tungkulin at wala umanong banta sa loob ng kanilang hanay.
“Sa ngayon, involving active duty members, wala kaming namo-monitor at yun lang naman ang tinututukan namin,” aniya.
Dagdag pa niya, bagama’t may mga haka-haka sa pulitika, wala namang aktuwal na destabilization na namumuo mula pa noong mga nakaraang political upheavals.
“Sa hanay ng kasundaluhan, wala pong threat at matagal na pong, you know, whatever administration, maraming mga haka-haka, pero hindi naman namumuo ‘to since, EDSA Dos, right?” aniya.
Nilinaw rin niya na wala nang hurisdiksyon ang DND sa mga retiradong sundalo at maaari silang magpahayag bilang mga sibilyan.
“Eh, wala na kaming jurisdiction sa kanila at wala naman silang impluwensya sa ating kasundaluhan. Libre sila bilang normal citizens maghayag, but once you’re retired from the service, that’s it.”
Ayon pa kay Teodoro, karamihan sa mga retirado ay hindi nakikisangkot sa anti-government activities at patuloy na sumusuporta sa mga programa ng pamahalaan sa seguridad.
“Majority and the bulk of retirees who we service do not associate themselves with those who are involved in anti-government activities ‘no? … Kaya nagpapasalamat kami sa mga retirees,” dagdag niya.
Lumabas ang pahayag habang nakatakdang magbotohan ang Kamara kung iimpeach si Duterte sa ikalawang pagkakataon, kung saan inaasahang may sapat na suporta upang maipasa ang articles of impeachment sa Senado para sa paglilitis. Dave Baluyot