MANILA, Philippines – PUMIYOK si Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin na may naging pagkukulang sa pagpaplano na naging dahilan ng kakulangan ng bagong baseload power capacity sa Visayas.
Ayon sa Kalihim, matagal nang walang bagong baseload generation sa rehiyon.
“There hasn’t been a new baseload capacity in Visayas for a long time. I guess I would say it’s the planning side,” ani Garin sa isinagawang public hearing ng Kamara sa Bacolod City.
Kaya nga aniya, nagsasagawa na ang DOE ng long-term simulations at energy auctions para matiyak ang sapat na suplay sa susunod na mga taon.
“We formed teams last year to conduct simulations covering the next 10 years, which is why we are holding auctions. We really need to plan because without planning, there is nothing to execute,” ang sinabi ng Kalihim.
Patuloy naman aniya ang problema sa suplay dahil sa sabay-sabay na forced outages ng anim na power plants, na pinalala pa ng mga sira sa dalawang planta sa Mindanao.
Ayon sa DOE, kahit makumpleto ang ilang hakbang pagsapit ng 2027, maaari pa ring makaranas ng power interruptions ang Visayas, kabilang ang posibleng isang red alert at 19 yellow alerts sa best-case scenario.
Para sa DOE, kailangang repasuhin ang sistema ng ancillary services o power reserves sa Visayas, dahil iba ang kondisyon ng mga isla kumpara sa Luzon at Mindanao.
At para sa mabilis na solusyon, tinukoy ng departamento ang solar power na may battery energy storage systems para maimbak ang sobrang kuryente mula sa solar plants sa araw at magamit kapag mataas ang demand sa gabi. KRIS JOSE