Home METRO ‘Dog fight’ dahilan ng pagkaputol ng dila ni ‘Kobe’

‘Dog fight’ dahilan ng pagkaputol ng dila ni ‘Kobe’

270
0

MANILA, Philippines – MATAPOS ang napaulat na panawagan ng may-ari ng asong “pinutulan” umano ng dila sa Valenzuela City, lumutang ang isang testigo na magpapatunay na hindi tao ang may gawa kundi kapwa aso rin matapos ang naganap na “dog fight.”

Luminaw ang katotohanan sa likod ng naturang ulat makaraang iutos ni Mayor Wes Gatchalian ang pagsisiyasat upang mapawi ang pangamba ng mga may-ari ng aso sa lungsod sa posibleng maulit na muli ang pangyayari.

Ayon kay Mayor Wes, bukod sa nagdulot ng takot sa kanilang komunidad ang naturang isyu, labis din itong nakabahala sa mga animal welfare advocates tulad ng Animal Kingdom Foundation (AKF) na humiling ng imbestigasyon upang mapanagot sa batas ang may kagagawan.

Sa naganap na press conference sa pangunguna ni Mayor Wes na ginanap sa Valenzuela City Hall noong Sabado ng gabi, sinabi niya na batay sa isinagawang imbestigasyon ng kanilang joint task force sa pangunguna ni Col. Joseph Talento, isang saksi ang nagpatunay na away-aso o dog fight at hindi gawa ng tao ang nangyaring pagkaputol sa dila ng anim na taong gulang na asong si “Kobe”.

Ayon sa testigong si James, sakay siya ng kanyang motorsiklo pauwi galing ng trabaho nang madaanan niya sa kalye ang nagkukumpulang mga aso at nakita niya na sakmal sa pisngi ng isang aso si Kobe.

Hinintay niya umanong magpumiglas ang mga ito at nang mapiglas ay napasigaw umano si Kobe at nakita niyang may nalaglag na parang laman mula sa bibig nito bago umalis na siya subalit, pagdating sa kanilang bahay ay naisip niya na parang may kulang kaya bumalik siya at kinunan ng video.

Dagdag niya, makikita rin siya habang sakay ng kanyang motorsiklo sa kuha ng CCTV at ang dalawang aso na paikot-ikot sa lugar na matibay aniyang ibidensya na hidi tao ang may gawa noon kundi kapwa aso.

Nangako naman si Mayor Wes ng medical assistance para kay Kobe hanggang sa tuluyan nitong paggaling habang nahuli na rin aniya ang asong nakakagat kay Kobe at nasa pangangalaga na ito ng City Veterinary Office.

Nanawagan din siya na mapaigting ang pangangalaga sa kapakanan ng mga hayop, hindi lamang ng mga alagang aso kundi iba pang mga hayop sa kani-kanilang sariling bakuran. Merly Duero

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here