Home NATIONWIDE DOH-11 nakapagtala ng 10K TB cases sa unang bahagi ng 2023

DOH-11 nakapagtala ng 10K TB cases sa unang bahagi ng 2023

MANILA, Philippines – Nakapagtala ang Department of Health sa Davao Region (DOH-11) ng kabuuang 10,363 kaso ng tuberculosis (TB).

Sa press briefing, sinabi ni Dr. Annabelle Yumang, DOH-11 director na ang pagkakadiskubre ng mga kaso ay dahil sa pinaigting na case finding ng ahensya sa pamamagitan ng mobile chest x-ray sa mga urban at rural na lugar ng rehiyon.

Sa mga kaso, 4,315 ang naitala sa Davao City, sinundan ng Davao del Norte na may 2,209, Davao de Oro (1,359), Davao del Sur (1,274), Davao Oriental (889), at Davao Occidental (344).

Binanggit ni Yumang na ang kaso ng TB ay tumataas sa nakalipas na dalawang taon sa rehiyon na may 10,636 noong 2021 at 16,147 noong 2022.

“In the past, we have lower cases recorded, but this time we have discovered these cases and we attributed it to our intensified case finding,” sabi ni Yumang.

Sa kabila ng mga kaso ngayong taon, sinabi ng opisyal na ang sitwasyon ay hindi nakakaalarma dahil ang sektor ng kalusugan ay nagbibigay ng libreng gamot sa mga pasyente.

Sinabi ni Yumang na ang TB, na nauugnay sa impeksyon sa baga na dulot ng isang uri ng bacteria, ay kumakalat sa hangin kapag ang mga nahawaang tao ay umuubo, bumahing, o dumura.

Bukod sa pag-ubo na may plema o dugo, ang iba pang sintomas ng aktibong TB ay kinabibilangan ng pananakit ng dibdib, pagbaba ng timbang, lagnat, at pagpapawis sa gabi.

“TB is curable and preventable. Majority of people with TB can be cured if diagnosed, and if appropriate medicines are provided and taken properly,” sabi pa ni Yumang. Jocelyn Tabangcura-Domenden