Home NATIONWIDE DOH: Kaso ng pertussis lampas 1K na

DOH: Kaso ng pertussis lampas 1K na

MANILA, Philippines- Lumampas na sa 1,000 sa loob lamang ng tatlong buwan ngayong taon ang mga kaso ng pertussis sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH).

Ipinapakita sa huling datos ng DOH na ang kabuuang 1,112 kaso ay naitala sa buong bansa mula Enero 1 hanggang Marso 30.

Ito ay halos 34 beses na mataas sa 32 kaso na naitala noong parehong panahon noong nakaraang taon.

Nasawi din ang 54 indibidwal ngayong taon dahil sa pertussis.

Sa nakaraang anim na linggo, sinabi ng DOH na ang Eastern Visayas, Cagayan Valley, Caraga, Central Luzon at Cordillera Autonomous Region (CAR) ay nagpakikita ng patuloy na pagtaas ng bilang nga mga kaso.

Sa kabuuan ng naitalang kaso ng pertussis sa ngayon, 77 porsyento ay mga bata na 5-anyos pababa, habang sa edad 20 pataas ay umabot lamang sa humigit-kumulang 4 porsyento ng mga kaso.

Sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa nitong Lunes na mayroong kakulangan sa suplay ng pertussis vaccines sa gitna ng outbreak ng respiratory infection sa ilang mga lugar sa bansa.

Ayon sa DOH, ang stock ng pentavalent vaccine ng gobyerno ay bumababa, na may 64,000 dosis na lamang na naiulat noong Marso 25.

Sinabi naman ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo na may natitirang stocks ng pentavalent at TDaP vaccines ang pribadong sektor na maaring mabili.

Binigyang-diin ng DOH ang kahalagahan ng pagbabakuna upang labanan ang pertussis at iginiit na ito ay ligtas at mabisa.

Ang mga sanggol na anim na linggong gulang ay maaari nang makatanggap ng pentavalent vaccine nang libre sa mga government health center. Ang mga bata mula 1-6 taong gulang ay maari namang maturukan ng booster.

Pinayuhan ng DOH ang mga nasa hustong gulang at buntis na kumonsulta sa doktor para malaman ang angkop na proteksyon sa kanila laban sa pertussis. Jocelyn Tabangcura-Domenden