MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Health sa publiko kaugnay sa kumakalat na impormasyon na mas ligtas ang vape kaysa sa sigarilyo.
Ayon Health Secretary Ted Herbosa, walang katotohanan na mas ligtas ang vape kaysa sigarilyo.
Paalala ng DOH na huwag magpapaloko sa mga sinasabing marketing strategy ng vape at iba pang novel nicotine products.
Ayon pa kay Herbosa, pinaiigting ng DOH ang mga inisyatibo para protektahan ang mga Filipino laban sa yosi at vape.
Sinabi ng Kalihim na tahasang kinokontra ng DOH ang kampanya ng mga negosyante na mas ligtas ang vape kumpara sa sigarilyo dahil parehong mapanganib sa kalusugan ang vape at sigarilyo.
Pinalalakas aniya ng DOH ang mga programa para matulungan huminto sa bisyo o ang mga cessation service sa mga health center at DOH hospitals.
Paalala ng DOH, bukas ang DOH Quitline 1558 para sa libre at propesyonal na tulong. Jocelyn Tabangcura-Domenden