BASE sa inilabas na pinakahuling datos ng Department of Health (DOH) – Metro Manila Center for Health Development (DOH-MMCHD), tumaas ng 34.47% ang kaso ng dengue sa National Capital Region (NCR) mula Enero 1 hanggang Oktubre 26, kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Ang datos ay nagpapakita ng kabuuang 24,232 kaso ng dengue sa unang 10 buwan ng taon. Ang Quezon City ay nag-ulat ng pinakamataas na bilang ng mga kaso, na may 6,208, umaabot ng 26% base sa kabuuang bilang ng kaso ng dengue. Humigit-kumulang 6,483 kaso, o 26.75% ay mga bata nasa 5 hanggang 9 na taon ang edad. Samantala, mayroong 66 na dengue-related deaths ang naitala sa NCR.
Nakukuha ang dengue sa maruming kapaligiran. Nabubuhay at dumarami ang lamok na nagdadala nito sa maruming tubig gaya ng kanal at sa mga stock up na tubig sa paso, plastic bags, gulong at lata. Apektado nito ang mga taong mahina ang immune system.
Ilan sa palatandaan ng pagkakaroon nito ang mataas na lagnat, masakit na ulo, pagkakaroon ng rashes, pananakit ng katawan, sore throat, pagsusuka, diarrhea, pagkahilo, pagdura ng dugo at pagkakaroon nito sa dumi at ilong.
Tumatagal ng tatlo hanggang labing-apat na araw ang sintomas nito. Ilan sa mga komplikasyon ng dengue ang pneumonia, pamamaga ng atay at paglaki ng puso.
Sa gitna ng abiso at babala mula sa DOH hinggil sa pagtaas ng dengue cases sa bansa ngayong taon dulot ng La Niña weather phenomenon na maghahatid ng mas maraming pag-ulan ay tinaasan ng PHILHEALTH o Philippine Health Insurance Corporation ang benefit package na magagamit ng mga magiging pasyente ng nasabing viral infection.
Mula sa dating Php 10,000 ay hanggang Php 13,000 na ang benepisyo o karagdagang 30%. Ayon sa PHILHEALTH, bahagi ito ng ipinangakong pagtataas ng benepisyo sa lahat ng medical condition package na naging epektibo noong February 14, 2024.
Paalala pa ng PhilHealth, ipinatutupad nila ang “No Balance Billing” policy o walang karagdagan pang gastusin kung ang pasyente ay nasa ward-type accommodation sa pampubliko ospital o sa PhilHealth accredited health facilities sa buong bansa.
Kaugnay nito, hinimok ng DOH ang mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng regular na paglilinis sa kanilang mga komunidad partikular sa mga lugar na mayroong naiipon o imbak na tubig kung saan paboritong manganak ng mga Aedes aegypti na siyang nagdudulot ng dengue.