Home NATIONWIDE DOH naka-alerto sa idineklarang mpox emergency sa Africa

DOH naka-alerto sa idineklarang mpox emergency sa Africa

MANILA, Philippines – Nakaalerto na ang surveillance systems ng Department of Health (DOH) kasunod ng deklarasyon ng Africa Centres for Disease Control and Prevention (CDC) ng public health emergency dahil sa mpox outbreak.

Nitong Martes, Agosto 13, nagdeklara ang Africa CDC ng “public health emergency of continental security” sa Monkeypox o mpox na kumalat na sa Democratic Republic of Congo at kalapit bansa.

Sa Pilipinas, sinabi ni DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na ang kabuuang caseload ng mpox ay nananatiling nasa siyam.

Apat sa kaso na ito ay na-detect noong 2022 at panibagong lima ang iniulat noong nakaraang taon.

Simula Disyembre 2023, sinabi ni Domingo na walang bagong kaso ng mpox ang natuklasan sa bansa.

Ayon sa World Health Organization (WHO), ang sintomas ng mpox ay kabilang ang skin rash o mucosal lesions na may lagnat, pananakit ng ulo, muscle aches, back pain, panghihina at pamamaga ng lymph nodes.

Noong Hulyo 2022, idineklara ng WHO ang mpox bilang public health emergency of international concern. Tinapos nito ang emergency noong Mayo 2023. Jocelyn Tabangcura-Domenden