MANILA, Philippines – Nangako ang pamahalaan na magbibigay ito ng mas pinabuting serbisyo para sa kalusugan ng mga babae.
Ito ang pahayag ng Department of Health (DOH) kasabay ng selebrasyon ng bansa sa National Women’s Month, kung saan sinabi ng ahensya na ang breast at cervical cancers ang ilan sa mga isyu ng mga babae na kinakaharap sa ngayon.
Ayon sa DOH, ang early detection ng mga cancer na ito sa pamamagitan ng sound screening programs at management sa primary level ay inspirasyon para sa kanilang mga Bagong Urban Care and Ambulatory Service (BUCAS) centers.
Pagsapit ng 2028, umaasa ang ahensya na makapagbukas ng 28 center na magsisilbi sa mga mahihirap na sektor.
Magkakaroon ang mga ito ng mammogram, HIV (human immunodeficiency virus) screening, at family planning services.
“We recognize the pivotal role women have, not just in healthcare, but in all nation-building initiatives,” anang DOH.
“As we help President Ferdinand Romualdez Marcos, Jr. pursue Universal Health Care for all Filipinos, we must provide essential services that improve the overall health and well-being of women,” dagdag pa nito.
Sa pinakahuling datos mula sa Philippine Cancer Society, nangunguna ang breast cancer sa mga uri ng cancer na may pinakamaraming kaso sa bansa.
Ikalawa naman ang cervical cancer sa mga kababaihan.
Dagdag pa, aktibo ang DOH na tingnan ang tumataas na paggamit ng tobacco, electronic cigarettes at vape sa mga babae.
Sa datos ng Global Youth Tobacco Survey noong 2019 at 2021, sinabi ng DOH na nagkaroon ng pagtaas mula 4.2 percent hanggang 6.9 percent sa kasalukuyang tobacco users sa mga babae edad 13 hanggang 15-anyos. RNT/JGC