Home NATIONWIDE DOH sa publiko: Mag-ingat sa biyahe ngayong holiday season

DOH sa publiko: Mag-ingat sa biyahe ngayong holiday season

MANILA, Philippines- Nanawagan ang Department of Health (DOH) nitong Biyernes sa mga Pilipino na mag-ingat sa paglalakbay sa gitna ng pagtaas ng kaso ng road accident tuwing Holiday season.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni DOH Officer-in-Charge Undersecretary Gloria Balboa na marami ang nagdadala ng sarili nilang sasakyan para dumalo sa mga party o bumisita sa kanilang bayan, na nagdaragdag ng panganib ng mga aksidente sa kalsada.

Bago umalis ng bahay, pinayuhan ni Balboa na alalahanin ang BLOWBAGETS advisory: Suriin ang battery, lights, oil, water, brake, air, gas, engine and tires ng kanilang sasakyan at sarili.

Sinabi ni Balboa na huwag uminom kung magmamaneho at kailangan din na huwag puyat at pagod upang hindi nakatulog habang nagmamaneho.

Paalala din niya na huwag mag-cellphone habang nagmamaneho na posibleng maging sanhi ng aksidente.

Noong nakaraang linggo, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority Chair Romando Artes na 62,723 kaso ng road crashes at 332 fatalities ang naitala mula Enero hanggang Nobyembre 2024.

Ang mga sasakyang may apat na gulong ay nangunguna sa listahan ng mga sasakyang sangkot sa mga pagbangga sa kalsada na nag-aambag ng 54 porsyento ng kabuuang mga kaso.

Sinusundan ito ng mga motorsiklo sa 22.03 porsyento at mga trak sa 7.41 porsyento.

Ang pitong pangunahing pampublikong kalsada na may pinakamaraming aksidenteng nauugnay sa trak ay ang C-5 Road, Commonwealth Avenue, Epifanio Delos Santos Avenue, Marcos Highway, Roxas Boulevard, R-10 Road at Quezon Avenue. Jocelyn Tabangcura-Domenden