Home NATIONWIDE DOJ: EJK investigation ‘di mababahiran ng politika

DOJ: EJK investigation ‘di mababahiran ng politika

MANILA, Philippines-  Iginiit ni Justice Undersecretary Jesse Hermogenes Andres na wala umanong bahid ng politika ang ginagawang imbestigasyon ng binuong task force ng Department of Justice (DOJ) sa extrajudicial killings (EJKs) sa naging war on drugs.

Tiniyak ni Andres na magiging transparent at walang halong politika ang imbestigasyon.

Posible rin aniyang ipatawag si dating Pangulong Rodrigo Duterte para mabigyan ito ng due process salig sa rule of law.

“Obligasyon po natin na bigyan sya ng pagkakataon na magpahayag ng kanyang pananalita at saloobin,” ani Andres.

Binigyan-diin ni Andres na walang ibang agenda sa imbestigasyon kundi ang pagpapatupad ng batas upang ipakita sa taong bayan na walang sinuman ang mas mataas sa batas.

“You have to face the law equally and uniformly,”dagdag ng DOJ official.

Binuo ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang task force na pinamumunuan ng Senior Assistant State Prosecutor na may siyam na miyembro mula sa  National Prosecution Service (NPS).

Inatasan ang task force na magsagawa ng case build-up at kung kinakailangan ay sampahan ng kaso ang mga salarin sa EJK.

Kailangan din makipag-ugnayan at makipagtulungan ang Task Force sa House of Representatives Quad Committee at sa Senate Blue Ribbon Committee na kapwa nagsisiyasat sa war on drugs ni Duterte. Teresa Tavares