MANILA, Philippines – May panukalang budget na P40.9 bilyon para sa 2026 ang Department of Justice (DOJ) kasama ang mga attached agencies nito na mas mataas lamang ng bahagya kaysa sa badget nito na P39 bilyon sa ilalim ng General Appropriation Act noong 2025.
Sa ilalim ng National Exenditure Program (NEP), may inilaang pondo ang Office of the Secretary na P10.5 bilyon.
Hinati ito sa P8.5 bilyon para sa personnel services, P1.5 bilyon para sa maintenance at iba pang operating expenses at P415 milyon para sa capital outlays.
Samantala, ang Bureau of Corrections ay susunod na tumanggap ng pinakamataas na alokasyon na may P10 bilyon na sinundan ng Public Attorney’s Office.
Bukod dito, naglaan ng P5 bilyon para sa Bureau of Immigration at P3 bilyon ang inilaan sa National Bureau of Investigation.
Ang Land Registration Authority, ang Office of the Government Corporate Counsel, ang Office of the Solicitor General, ang Parole and Probation Administration, ang Presidential Commission on Good Government, at ang Office for Alternative Dispute Resolution ay nakatanggap ng badyet na mas mababa sa P2 bilyon bawat isa. Jocelyn Tabangcura-Domenden