MANILA, Philippines – Sinuspinde na ng 90 araw ang lisensya ng pickup driver na naaktuhan sa viral video na nagka-counterflow sa Malolos, Bulacan.
Sa show cause order, inatasan ng Land Transportation Office (LTO) ang registered owner ng Nissan Navara at ang drayber na magpaliwanag sa insidente.
Maaaring maharap ang drayber sa reklamong Driving Against Traffic, Obstruction of Traffic, at Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Ipinag-utos din ng LTO ang agarang pagsusuko ng driver’s license at inilagay sa “Alarm” status ang rekord ng sasakyan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Itinakda sa Agosto 22 ang pagdinig sa LTO Intelligence and Investigation Division sa Quezon City.
Ang aksyon ay kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga motorista na maging responsable at maging mahinahon sa kalsada upang masiguro ang kaligtasan ng lahat. RNT/JGC