MANILA, Philippines – Nagsagawa ng preliminary investigation kanina ang panel of prosecutors kaugnay sa reklamong tax evasion na isinampa ng Bureau of Internal Revenue laban sa mag-asawang contractor na sina Curlee at Sarah Discaya, ayon sa kumpirmasyon ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez.
Ayon kay Martinez, personal na pumunta sa kagawaran ang mag-asawang kontraktor kaninang umaga para magsumite ng kanilang kontra-salaysay sa alegasyon na isinampa lamang sa kanila ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Magugunitang naghain ng reklamo ang BIR noong Oktubre para sa P7.1 bilyon na hindi nabayarang buwis ng mga Discaya mula 2018 hanggang 2021.
Giit ng ahensya, hindi umano nabayaran ang personal income tax at excise tax sa mga luxury vehicles, pati sa buwis sa paglilipat ng shares ng kanilang apat na kumpanya.
Samantala, ikinagulat naman ng media ang pangyayari dahil wala man lang abiso upang makunan ng larawan ang pagdating ng mag-asawang Discaya dahil posibleng sa backdoor ng gusali umano sila idinaan. Jocelyn Tabangcura-Domenden