MANILA, Philippines – Dumipensa ang Department of Justice (DOJ) sa inilabas na arrest warrant ng korte laban kay dating presidential spokesperson Harry Roque.
Iginiit ni DOJ spokesperson Mico Clavano na ang inisyu na arrest order ay isang halimbawa ng pag-uusig at hindi pang-aapi.
Sinabi ni Clavano na mayroon lehitimong kaso na kinakaharap si Roque na malinaw na nasa rekord ng congressional hearings.
Ang reaksyon ni Clavano ay bunsod ng naging pahayag ni Roque na sadyang pinahihirapan lang siya ng administrasyong Marcos.
Gayunman, binigyan-diin ni Clavano na sinusuri nang maigi ng panel of prosecutors ang mga ebidensya bago ito magdesisyon na sampahan ng kaso ang isang sangkot sa kaso.
“I don’t see where the persecution is here. This is an example of prosecuting a person involved in a crime,” ani Clavano.
Kung tutuusin aniya, dapat gamitin ito na pagkakataon ni Roque upang depensahan ang sarili at maglabas ng mga ebidensya na magpapatunay na hindi ito sangkot sa ilegal na POGO.
Magugunita na naglabas ng arrest warrant ang Angeles City RTC laban kay Roque, Cassandra Ong at iba pa kaugnay sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003.
Kaugnay ito sa pagkakasangkot sa operasyon ng POGO hub Lucky South 99 sa Porac, Pampanga. TERESA TAVARES