MANILA, Philippines – Binigyang-pansin ng Department of Justice (DOJ) ang kontrobersyal na pag-“heart sign” ng kontratista na si Cezarah “Sarah” Discaya at sinabi sa isang panayam na ang ginawa ni Sarah ay nagpapahiwatig ng “insincerity and complacency” sa gitna ng flood control probe.
“The heart sign and the remarks of Ms. Sarah Discaya are all taken into account in the assessment and evaluation of the persons involved. It is a sign of insincerity and complacency,” saad ni DOJ spokesperson Jose Dominic Clavano IV nitong Linggo.
“We urge all persons of interest in this case to behave accordingly,” dagdag niya.
Si Sarah Discaya at ang kanyang asawang si Pacifico ay kabilang sa mga “protected witnesses” sa ilalim ng Witness Protection Program ng DOJ.
Parehong nag-aaplay upang maging mga state witness, isang katayuan na maaaring magpawalang-sala sa kanila ng mga pananagutang kriminal at sibil.
Si Discaya, na dumalo sa DOJ case build-up laban sa mga personalidad na nauugnay sa public works corruption, ay nag-flash ng finger heart sign sa mga mamamahayag sa kanyang pagdating.
Pagkatapos ng meeting, habang papaalis na siya sa DOJ, sinabi niya sa mga mamamahayag: “Gandahan niyo ’yung memes ko.” RNT/MND