Home OPINION PAGBULSA NG KIKBAK MABILIS PA SA KIDLAT

PAGBULSA NG KIKBAK MABILIS PA SA KIDLAT

272
0

NAKAPANININDIG-BALAHIBO ang mga lumalabas sa bibig ng mga inhinyero ng Department of Public Works and Highways, kontratista ng mga ito at mambabatas sa isinasagawang imbestigasyon sa Blue Ribbon Committee sa Senado.

Nakapaninindig-balahibo dahil sa laki ng mga halaga na ibinubulsa ng mga korap at mandarambong mula sa mga proyektong imprastraktura, lalo na sa mga flood control project.

Lalong nakapaninindig-balahibo kung iisipin na, dahil sa pagbulsa ng mga korap at mandarambong sa buo o 70% ng mga pondo, napakarami ang namamatay at higit na marami ang nasisiraan ng mga ari-arian, tao man o gobyerno.

Basta na lang pinaghahati-hatian at ibinubulsa nang buo o 100% pondo ng mga ghost project habang nasa 70 porsyento naman sa pondo ng mga proyektong substandard o putol-putol o abandonado.

Kaya kapag umulan at bumaha at nagka-landslide, may mga namamatay at nagkakasakit at hindi mabilang sa daliri sa mga kamay at paa ang mga nasisiraan ng ari-arian.

Kasama sa mga flood control project ang mga riprap sa mga ilog, sapa, lawa at kalsadang kakabit dito, riprap sa mga gilid ng mga bundok laban sa mga landslide, bakod laban sa mga alon mula sa dagat, pumping station, tulay at repair ng mga nasira o substandard.

SINASADYANG KUTSABAHAN SA NEP AT GAA

Kung pakikinggan nang husto ang mga testimonya ng mga testigo o resource person sa Blue Ribbon Committee na pinamunuan noong una ni Senador Rodante Marcoleta at ngayon ni Sen. Ping Lacson, sinasadya ang kutsabahan s korapsyon at pandarambong sa mga pondo.

Sa preparasyon pa lang ng National Expenditure Program o NEP, nagkokontakan na ang mga kongresman o senador o taga-Palasyo at taga-Department of Public Works and Highways sa kung magkano ang ilalagay sa mga project at ang kanilang kikitain.

Nadadamay ang Palasyo dahil lumalabas na kakaunti lang ang bine-veto ng Pangulo sa kabila ng mga eksperto na nakapaligid sa kanya upang suriin kung maanomalya o hindi ang mga pondo at proyekto.

Binubuo ang NEP ng mga panukalang pondo na may kalakip na mga proyekto mula sa mga departamento, ahensya at iba pa, kasama ang hudikatura, Kamara at Senado mismo.

Kapag dumating na ang nabuong NEP sa Kamara at Senado, nireretoke pa ito ng mga korap at mandarambong gamit ang Small Committee sa parte ng Kamara, ayon kay Navotas Congressman Toby Tiangco.

Pagdating ng retokadong NEP sa Bicameral Conference Committee na binubuo ng mga kongresman at senador, lalo pa itong nireretoke at hindi lang dagdag-bawas ang ginagawa kundi binubura ang iba gaya ng nangyari sa pondo ng PhilHealth upang magamit ito sa iba…na walang umaamin kung saan ito napuntang ahensya o proyekto.

WALA PANG PROYEKTO, KIKBAK BUO NA

Ang matindi pa, habang binubusisi ang NEP tulad ngayon, may bumabale na nang advance na kikbak at pagpirma ng Pangulo sa NEP bilang General Appropriations Act sa katapusan ng Disyembre, buo at idinideliber na ang mga male-maletang salaping kikbak sa mga mambabatas at ibang taga-itaas habang isinusugal naman sa mga casino at ipinambubuhay-mayaman ang iba…kahit wala pang proyekto.

Pagbulsa ng kikbak, mabilis pa sa kidlat.

Kitam???!!!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here