MANILA, Philippines – Muling dumipensa ang Department of Justice (DOJ) sa ginawa nitong kooperasyon sa International Criminal Police Organization (Interpol) para maaresto si dating Pangulong Rodrigo Duterte para kaharapin ang kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay DOJ spokesperson Mico Clavano, ang ginawa ng Pilipinas ay bilang isang sovereign state at paggalang sa international laws.
Ipinaliwanag ni Clavano na obligado ang bansa na kilalanin ang commitments nito sa Interpol.
Aminado ang opisyal na wala ng hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas dahil hindi na tayo miyembro. Ngunit ng inisyu ng ang warrant of arrest at in-endorse sa Interpol at in-endorse ng Interpol sa Pilipinas, saka lamang aniya nakipag-ugnayan ang Pilipinas.
Iginiit ni Clavano na nagsilbi lamang na attesting officer sa buong proseso ang gobyerno ng Pilipinas.
“Kami po ‘yung nagsilbing witness or attesting officer doon sa buong proseso. Dahil po ang basehan ho natin ay ‘yung Rome Statute mismo, specifically po ‘yung Article 59 ng Rome Statute kung saan may tinatawag po na competent judicial authority kung saan siya mismo ang mag-a-attest ‘yung buong proseso po na dinaanan ng arrest ay tama,” ani Clavano.
Samantala, itutuloy pa rin ng DOJ ang imbestigasyon nito sa extrajudicial killings (EKJs) sa administrasyong Duterte.
“Klaro po we do have a working justice system. Consistent pa din po tayo doon. Gumugulong ‘yung wheels of justice so to speak. Kaso nga lang I think this is a matter of timing dahil sa ngayon, kino-collate pa natin ang lahat ng ebidensya doon sa drug war ni dating pangulong Duterte at marami na pong lumalapit na mga witnesses sa atin,” dagdag ng opisyal. Teresa Tavares